Mga Kabuuang Pageview

Biyernes, Abril 22, 2016

Kris Aquino tinira ni Arnold Clavio!

Watching Machine
ni Gas Gayondato




PINUTAKTI si Kris Aquino ng kaliwa't kanang batikos ng mga netizens dahil sa mga larawang lumabas na nakita siyang bumaba sa presidential chopper na nakasuot pa man din ng dilaw na t-shirt, political color ng Liberal party.

Maging si Arnold Clavio ay tinira si Kris sa programa nila ni Ali Sotto sa radyo na "Double A sa Double B." Binasa niya pa mismo ang nakasaad sa batas na ipinagbabawal sa sinuman ang paggamit sa pag-aari ng gubyerno sa personal na gamit at pangangampanya.

Kinontra rin ni Clavio ang katuwiran ni Pangulong Noynoy Aquino na isa si Kris sa may pinakamatataas na binabayarang buwis kaya okey lang na makisakay ito sa presidential chopper. 

Siya raw ay malaki rin ang binabayarang buwis, ibig daw bang sabihin nun ay puwede na niyang gamitin ang anumang government property para personal niyang pangangailangan?

Sa totoo lang, mali naman doon si Pnoy. Hindi katanggap-tanggap ang ganung klase ng pangangatuwiran.

Dagdag pa ni Clavio, okey na raw sana yung pagsama ni Kris papuntang San Carlos City sa Negros Occidental dahil opisyal na lakad naman yun ng ating pangulo bilang pagpapasinaya sa 59 megawatt solar power plant, kaso wala naman daw ginawa dun si Kris kundi umupo. Halata raw na ang talagang pakay nito ay ang pangangampanya ng Libral Party nina Mar Roxas at Leni Robredo sa Dalaguete sa Cebu, na siyang sunod na pinuntahan ng pangulo.

Tutal marami naman daw pera si Kris, bakit di na lang daw ito bumili ng sariling chopper para wala nang masabi ang ibang tao, katuwiran pa ng nabanggit na mamamahayag.

Sa maraming pagkakataon ay malimit hindi ako sumasang-ayon sa mga sinasabi at ginagawa ni Kris pero sa pagkakataong ito ay wala akong nakikitang masama kung nakisakay man siya sa presidential chopper.

Bilang presidential sister ay meron naman siyang karapatang sumama sa official events na pinupuntahan ni Pang. Noynoy Aquino. Meron naman talagang ibinibigay ang gubyernong ito ng kaukulang kortesiya at prebelehiyo para sa mga miyembro ng pamilya ng ating pangulo.

Malinaw rin na nakikisakay, nakikisabay o sumasama lang si Kris saan man magpunta si Pnoy. Hindi naman siya mismo ang gumagamit ng chopper para sa personal niyang lakad. 

Susog pa ni Clavio, kung talagang nakisakay lang si Kris, dapat daw ay sa iba na siya sumakay pabalik ng Villamor Airbase o sa Maynila.

Hala, bakit naman kailangan pang sumakay ni Kris ng ibang eroplano pabalik ng Maynila kung babalik din naman dito ang presidential chopper? Kailangan ba talagang pahirapan ng presidential sister ang kanyang sarili para lang walang masabi ang mga may kahinaang umintindi sa isinasaad ng batas? 

Paminsan-minsan gamitin naman natin ang ating sintido kumon at dapat ding pairalin natin ang pagiging praktikal sa buhay sa lahat ng pagkakataon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Disclaimer

Most of the videos and images posted on this blog were taken from the various sites on the internet, especially those embedded code from You Tube and results from google search.
My E-net claims no rights to the videos and photographs posted on this blog.
Any objection from the owner of the videos and photos posted herein, or any other reasons why they should not appear on this blog, contact me at gaseous@hotmail.com, and they will be removed immediately.