Mga Kabuuang Pageview

Lunes, Abril 11, 2016

'Hele' umani ng negatibong komento

Watching Machine
ni Gas Gayondato




UMANI ng mga negatibong komento ang obra ni Direk Lav Diaz na "Hele sa Hiwagang Hapis" na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at John Lloyd Cruz.

Bagamat nagwagi ito ng Silver Bear Alfred Bauer Prize sa "66th Berlin International Film Festival" na ginanap sa Berlin, Germany noong nakaraang Pebrero 21, 2016,  hindi naman na-appreciate ng pangkaraniwang Pinoy moviegoers ang kabuuan nito na umabot nang walong oras.

Ang sabi ng ilang kritiko, hindi raw maiinip ang moviegoers sa panonood ng nasabing epiko kung handa kang tanggapin ang kakaibang karanasan sa panonood ng isang obra maestra. Kapag naumpisahan mo raw itong panoorin ay hindi mo na mamamalayan kung gaano na kahaba ang iyong pinapanood.

Kailanga daw nating ma-appreciate ang historical, philosophical at artistic significance ng "Hele" para raw mas maintindihan natin kung bakit hindi kailangang bawasan ang walong oras na haba ng pelikula.

Meron naman daw break para makapag-relax ang mga manonood sa kalagitnaan ng kanilang panonood.

Halos ganito rin ang sinasabi ng ilang nakapanood na ng "Hele sa Hiwagang Hapis." Pero hindi siguro mga ordinaryong manonood ang mga nagsasabi nito. Malamang ay artists o nagpapaka-artist lang ang mga ito.

Para sa mga karaniwang manonood ng pelikulang Pilipino ay hindi katanggap-tanggap ang manood ng isang pelikulang walong oras ang haba, lalung-lalo na sa panahon ngayon na fast-paced na ang galaw ng mga tao.

Sa totoo lang, marami ka nang magagawa sa loob nang walong oras. Sayang naman kung maisasakripisyo mo ang lahat ng yun dahil lamang sa panonood ng isang pelikula.

Yung iba siguro na gustong manood ay pinili na lang huwag manood dahil alam nilang hindi nila kayang tumagal nang walong oras sa loob ng sinehan sa ibat ibang kadahilanan. 

Meron nga ang sabi'y nainip daw sila sa haba ng pelikula. Meron naman daw nakatulugan na lang ang panonood ng pelikula.

Nasubukan ko nang manood ng tatlong pelikula sa isang upuan lang. Uso pa kasi noon ang ganun sa mga sinehan sa probinsya. Bale halos anim na oras tumatagal yun. Kaya pagkatapos kong manood ay ang sakit-sakit ng puwet at mga mata ko tapos tipong tulala pa ako.  Parang ayaw ko tuloy munang manood ng sine nang ilang linggo. 

Ganun ang naging epekto nun sa akin.  Anim na oras lang yun, e, nagkaganun na ako, ano pa kaya kung walong oras? 

Kaya ko namang manood ng pelikula o ng teleserye na tumatagal nang kahit 10 oras na dire-diretso ala-marathon pero sa bahay lang at saka alam kong wala na akong ibang gagawin.  

Sa bahay kasi puwede mong i-pause ang pelikula kung gusto mong sumaglit sa CR o sa tindahan para bumili ng paborito mong sitsirya. Puwede ka ring humiga, humilata o sumalampak sa upuan kung gusto mo nang wala kang iniisip na ibang tao. 

Hindi ko alam kung ano ang gustong palabasin ni Direk Lav Diaz at pinili niyang panatilihin ang "Hele" sa haba nitong walong oras. Gusto niya lang bang magpauso o gusto niya lang pagbigyan ang kanyang kapritso?

For sure, hindi niya ito ginawa para kumita. Papano namang kikita ang isang pelikulang walong oras ang haba, e, halos dalawang beses lang ang screening nito sa mga sinehan sa isang araw.

Sigurado rin ako na piling-pili lang ang manonood ng pelikula niyang ito dahil napakamahal ng tiket sa halagang 500 pesos. Palagay ko mas nababagay itong ipapanood sa mga estudyante, lalung-lalo na yung mga nag-aaral ng Philippine History.

Ang tanong, hindi ba talaga puwedeng gawing dalawa, tatlo o apat na oras na lang ang "Hele?" Dahil kung hindi talaga puwede, e, dapat ginawa na lang itong mini-series sa telebisyon na tatakbo nang dalawang linggo at hindi pelikulang pang-sinehan dahil ang pangunahing layunin kung bakit naimbento ang sine ay para may mapaglibangan tayo, hindi para matuto o magpaka-artistiko.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Disclaimer

Most of the videos and images posted on this blog were taken from the various sites on the internet, especially those embedded code from You Tube and results from google search.
My E-net claims no rights to the videos and photographs posted on this blog.
Any objection from the owner of the videos and photos posted herein, or any other reasons why they should not appear on this blog, contact me at gaseous@hotmail.com, and they will be removed immediately.