Mga Kabuuang Pageview

Sabado, Abril 30, 2016

Duterte magtatayo ng revolutionary government!

Watching Machine:
ni Gas Gayondato III



SA kabila ng maraming kakulangan ni Mayor Rodrigo Duterte bilang isa sa mga front-runners sa pagka-pangulo, patuloy pa rin sa pag-arangkada ang kanyang popularidad sa mga botanteng Pinoy.

Dahil dito ay hindi ko tuloy maiwasang itanong sa aking sarili, naiintindihan kaya ng ating mga kababayan ang tunay na isyu na kinakaharap ng ating limang presidentiables? Malinaw kaya sa mga maka-Duterte kung anong klaseng pangulo at anong klaseng gubyerno magkakaroon tayo sa ilalim ng kanyang liderato?

Hindi ba kayo nakakahalata na sa simula pa lang ay tila naglalaro lang si Duterte? Noon kasi ay matigas ang kanyang pagtanggi na hindi siya tatakbo sa pagka-presidente. Kesyo hindi siya interesado. Kesyo matanda na siya, etc, etc. Pero sa bandang huli ay tumakbo pa rin siya.

Noon pa man ipinakita na ni Duterte kung anong uri ng lider siya. Hindi niya ikinkaila na siya ay palamura. Ultimo ang Sto. Papa ay nakatikim ng mura sa kanya, hindi po ba? 

Madalas din niyang sabihin na okey lang kung hindi natin siya iboboto. Hindi naman kasi kawalan sa kanya pag hindi siya nanalong presidente. Aniya pa sa campaign ad ng kanyang bise-presidente, kung hindi natin iboboto si Sen. Allan Cayetano ay huwag na natin siyang iboto. Ganun kalakas ang tiwala niya sa kanyang sarili. Hindi siya natatakot mawalan ng boto.

Kapag ibinoto pa rin natin siya sa kabila ng lahat ng ito, ibig sabihin ay tinanggap at niyakap natin siya nang buong-buo kaya huwag tayong magrereklamo anuman ang maisipan niyang gawin kapag presidente na siya.

Kahit sa tatlong ginanap na "Pilipinas Debate," sa halip magseryoso sa mga sagot niya, maraming pagkakataon na gusto lang niyang mamilosopo at mang-asar. Bagay na lalong ikinatutuwa ng kanyang mga panatiko.

Sa puntong ito ay meron lang akong isyung gustong talakayin. Parang ayaw kasing pumayag ng aking puso't isipan na matatapos at matatapos ang Presidential Elections nang wala man lang akong nagawa o ginawa.

Hindi po sa nagmamagaling ako, gusto ko lang ibahagi sa inyo ang aking saloobin sa sagot ni Duterte sa dalawang mahahalagang isyung tinalakay sa mga nakaraang debate.

1. Una, totoo namang maganda ang kanyang layunin na sugpuin ang problema sa droga at kriminalidad. Pero sa sinasabi niyang masusugpo ito sa loob nang 3 hanggang 6 na buwan ay lubhang hindi makatotohanan.

Malabong mangyari ang sinasabi ni Mayor Duterte na masusugpo niya ang problema sa droga at kriminalidad sa loob lamang ng 3 hanggang 6 na buwan. Maaaring posible pero hindi nga lang makatotohanan. Puwedeng mabawasan pero hindi puwedeng mawala nang tuluyan sa ganun kaikling panahon.

Sa isang panayam niya sa "Saksi," siya mismo ay may pasubali na kapag hindi siya nagtagumpay sa takdang panahon sa kampanya niyang ito laban sa droga at kriminalidad ay magtatatag na lang siya ng isang revolutionary government. Opo, revoluttionary government. Alam niyo po ba kung ano ang ibig sabihin ng revolutionary governnent? 

Sa ilalim ng isang revolutionary government ay mawawalan na ng saysay ang Senado at Kongreso dahil suspendido na ang ating Saligang-Batas. Sa bibig na rin mismo ni Duterte nanggaling na siya ay magiging isang diktador. Isasara niya raw ang Kongreso para hindi siya ma-impeach.

Pero sa totoo lang hindi ganun kadaling magtatag ng isang revolutionary government Puwede itong maging labis na bayolente at madugo. Siguradong may mga puwersang sasalungat sa gubyernong rebolusyunaryo. Nariyan ang mga reformist na mas gusto ang pagbabago pero sa hinay-hinay na paraan, mga conservative na tutol sa pagbabago at mga reactionary na mas gustong bumalik na lang sa sinaunang gawi.

Dagdag pa ni Duterte, posible ring isulong niya ang pederalismo o di kaya ay magtatag ng isang Coalition government kasama ang Communist Party of the Philippines. Ang tanong, handa na ba tayo sa ganitong pagbabago?

2. Pangalawa, sabi ni Duterte pag hindi umubra ang pagdulog natin sa international tribunal hinggil sa problema natin sa West Philippine Sea with China, magpapahatid daw siya sa Phil. Navy sa karagatan malapit sa islang inookupa ng China at doon daw ay sasakay siya ng jetski papunta sa naturang isla at doon ay itatanim daw niya ang bandila ng Pilipinas sabay sabing ang islang ito ay pag-aaari ng Pilipinas. Bahala na raw kung anong mangyari. Bahala na raw kung patayin siya ng mga Tsino. Umiyak na lang daw tayo.

Parang kuwentong "Wansapanataym" lang ang sagot ni Duterte sa tanong kung anong gagawin niya sa problema ng bansa sa pinag-aagawang isla sa West Phil. Sea.

Sa totoo lang malabong mangyari ang sinasabi ng butihing mayor ng Davao City. Unang-una, hindi papayag ang Phil. Navy na ihatid siya sa may West Phil. Sea at pasakayin ng jetski papunta sa islang inookupa ng mga Tsino. 

Kahit pa siguro paulanan ni Duterte ng mura ang heneral ng Phil. Navy o ang Secretary of National Defense natin ay hinding-hindi siya papayagang gawin yun. 

Kahit sinong may mataas na katungkulan sa gubyerno ay hindi papayag na gawin yun ng ating presidente. Dahil pag nangyari yun ay hindi pwedeng basta na lang tayo iiyak sa isang tabi. It's either labanan natin sa giyera ang China o sumuko na lang tayo sa kanila.

Naniniwala ako na ang popularidad ni Mayor Duterte ay resulta lamang ng pagkadismaya ng karamihan sa ating mga kababayan sa kasalukuyan at mga nagdaang administrasyon. Sawang-sawa na sila sa lumang gawi. Pagbabago ang isinisigaw nila. At si Duterte ang nakikita nilang simbolo ng pagbabagong yun.

Sa totoo lang, walang kuwenta ang pagbabago kung magpapalit lang tayo ng mga lider. Ang tunay na pagbabago ay nasa bawat mamamayang Pilipino.

Papano susugpuin ng ating pangulo ang graft and corruption sa gubyerno kung may mga senador, mayor o heneral na sadyang tiwali?

Papano mo susugpuin ang problema sa droga at kriminalidad kung ang tao mismo ay ayaw paawat sa kabila ng maigting na kampanya ng otoridad laban dito? 

Papano mo lulutasin ang problema sa kahirapan kung wala namang oportunidad na ibinibigay ang ating gubyerno upang ang kanyang mamamayan ay makapagtrabaho o ang tao mismo ay nagtatamad-tamaran, o di kaya ang mayayaman ay lalong nagpapayaman at the expense of mahihirap?

Pag-isipan po nating mabuti ang ating magiging desisyon. Huwag natin daanin sa pagkadismaya o pagkainis sa kasalukuysng administrasyon dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng ating mga anak at ng ating mga apo.

Huwag po tayong bumoto dahil naaaliw lang tayo sa isang kandidato. Piliin natin ang kandidatong may tunay na malasakit sa mahihirap, matino at may makatotohanang plataporma, disente, malinis at higit sa lahat may takot sa Diyos.

Kung hindi lang dahil sa pinaggagagawa ni Pnoy ay si Sec. Mar Roxas talaga ang nakikita kong karapatdapat maging pangulo ng ating bansa 

Sana lang ay huwag nang masyadong sinusunod ni Sec. Mar ang Tuwid na Daan kuno ni Pnoy dahil hindi ito nakakatulong sa kanya. 

Boring lang ang personality ni Sec. Mar kaya hindi siya maka-attract ng mga botanteng agresibo ang personalidad.

Pero okey na sa akin sinuman kina Sec. Mar at Sen. Grace Poe ang maging presidente ng ating bansa. 

Si Rep. Leni Robredo naman ang gusto ko sa pagka-bise presidente.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Disclaimer

Most of the videos and images posted on this blog were taken from the various sites on the internet, especially those embedded code from You Tube and results from google search.
My E-net claims no rights to the videos and photographs posted on this blog.
Any objection from the owner of the videos and photos posted herein, or any other reasons why they should not appear on this blog, contact me at gaseous@hotmail.com, and they will be removed immediately.